Silo ng mga Kulay ng Buhay sa Kanbas na Hindi Tapos

I.

     May maliit na salita na nakasulat sa kisame. Sa baba nito ay may hagdan na puwedeng akyatan. Sa liit ng nakasulat ay kailangan gamitin ang nakasabit na magnifying glass. Itatapat mo ang magnifying glass para mabasa ang salitang, "Yes".

     Kinilig ako nang makita nang personal ang Ceiling Painting. Sa internet ko lang kasi ito nakikita. Kung wala nga lang harang ang hadgan ay aakyatin ko rin ito. Kaso, bukod sa harang ay may mga tagabantay din.

    Sa art na 'to nakilala ni John Lennon si Yoko Ono nang mag-exhibit si Yoko sa London.

     Sa hindi kalayuan naman ay makikita ang Bag Piece. Performance ito ni Yoko, na ipapasok ang sarili sa itim na sako. Una ko 'tong nakita sa video ng kantang Yer Blues. Kasama ni Lennon sa tugtugan sina Eric Clapton, Keith Richards at Mitch Mitchell. At habang natugtog sila ay nasa gilid si Yoko ipinapasok ang katawan sa itim na sako.

     Lumapit sa 'kin ang bantay na babae. Matangkad siya, may katandaan. Nagsalita, pero hindi ko maintindihan. Mukhang gusto niya akong pagbawalang lumapit. Makapal kasi ang kanyang accent. Problema ko ito, na kahit matagal na sa Alemanya ay hirap pa ring intindihin ang mga matatandang Aleman.

Inulit niya ang gusto niyang sabihin.

Nagkaintindihan din kami.

Maaari ko raw ipasok ang sarili sa sako. Tinuro niya ang puting carpet. Dun ako puwedeng tumayo, basta huhubarin lang ang suot na sapatos. Nang huhubarin ko na ang aking sapatos ay bigla akong dinapuan ng hiya.

Si Isla naman,

      "Daddy, what are you going to do?".

     Yung katabi namin na babae ay tila natatawa. Sabi ko na lang sa anak ko, "Nothing, I'm just checking."

  May nakasabit na projector screen kung saan pinalalabas ang pakikipagsapalaran ng isang langaw na palipad-lipad sa katawan ng hubad na babae. Nadapo ang langaw sa paa, sa binti, sa tiyan, at sa utong .

     Boses ni Yoko ang maririnig, ginagaya ang tunog ng isang langaw. Paulit-ulit. Katagalan ay mapapatanong ka. Patay na ba ang babae? Bakit nilalangaw? Ginagaya ba ang tunog ng langaw o iyak ng taong nagdadalamhati?

     Hindi ko alam kung anong isasagot kay Isla nang tanungin niya ako, kung bakit daw hinahayaan lang ni Yoko na gupitin ng kanyang mga audience ang suot nitong damit. Ba't daw hindi ito nagagalit? Ba't hindi sila hinuhuli ng pulis? Sabi ko, "Performance art ang tawag diyan 'nak". Kakaisip nga ng isasagot ay kamuntikan ko nang isagot na trip lang talaga ni Yoko magkaroon ng bagong design ang kanyang suot na damit, yung punit-punit. Mahirap din kasi talaga mag-isip ng isasagot kapag nagtatanong ang anak. Pero mas okay na yun, okay na nagtatanong si Isla sa 'min ng nanay niya kesa magtanong siya sa iba. Gaya noong hiramin ko saglit ang cellphone niya, nagulat ako nang makita sa kanyang search history ang "fuck you". Tinawag ko agad si Arlene at pinakita sa kanya. Gigil na gigil si Arlene. Sabi ko sa kanya na huwag unahin ang galit, pag-usapan naming dalawa kung paano kakausapin ang bata. Ayokong pagalitan dahil baka maglihim sa 'min ng damdamin. Kinagabihan, yakap-yakap ko si Isla. Mahinahon. Nagtanong ako.

     "Why did you search "fuck you"?"

Dagli niyang tinakpan ang mukha niya. Nahihiya.

"Daddy, I'm sorry, I didn't mean to, I'm sorry, please daddy, sorry, please."

Naiyak. Niyakap ako.

     "That's fine. But, how did you know that word?"

     "From my classmates."

     "Do you know, that is not appropriate for your age?"

     Tinawag ko si Arlene. Iniwanan ko sila sa loob ng kuwarto para makapag-usap. Paglabas nila ng kuwarto nilapitan agad ako ni Isla. "I'm really sorry daddy." "You know 'nak, a smart person knows what's right and wrong, and always choose what is right. Smart kid ka 'di ba?"

     Naalala ko yung pinatawag kaming mag-asawa sa eskuwelahan ni Isla. Bago kasi matapos ang taon ng klase ay ibinibigay ng mga titser ang assessment nila sa mga estudyante. Bida ng titser sa amin na magaling na estudyante si Isla. Matalinong bata. Kaso may kasunod na "aber" na ibig sabihin ay but. Palagi raw itong nakikipag-away sa mga kaklase niyang lalaki. Nambu-bully daw si Isla. Nag-init tainga ko. Kilala ko anak ko hindi siya ganung bata. Dahil sa side namin ay si Isla ang laging nagsusumbong na siya ang binu-bully ng mga kaklase.
     Sa bahay kinausap ni Arlene. "But mommmy, daddy said that if someone hurt me I'll punch it on the face." Napagalitan pa ako ni Arlene. "Ikaw, kung anu-ano tinuturo mo sa anak mo." Kamot ulo na lang ako. Pagkatapos niyan, sabi ng mga titser ay nagbago na si Isla. Natigil na rin ang mga pambu-bully. Sa isip-isip ko, mabait naman talaga anak ko. Kupal lang yung iba niyong mga estudyante. Ganun ata ang magulang palaging mabuti sa mata nila ang kanilang mga anak.

     Alam ko na sa paglaki niya ay palaging hindi tama ang mga desisyon ni Isla. Sa mali siya matututo. At hiling ko, na sana nandun ako para gabayan siya.

     Nakaupo kaming dalawa habang pinanonood ang video, at sa tuwing ginugupit ang damit ni Yoko ay napapakapit sa ‘kin si Isla.

     Mukhang matulis ang gunting. Malaki. Konting pagkakamali lang ay puwedeng madale ang balat. Nagsimula sa maliliit na gupit hanggang palaki nang palaki ang gupit sa tela. Hanggang mahubaran na siya. Isang lalaking naka-longsleeve na puti ang sumunod, "I'll sit down ‘cause it takes time." May ilang tumawa. Sinimulan niyang gupitin ang strap ng bra ni Yoko. Napatingin sa kanya si Yoko, tila nangungusap ang mga mata.

     May ganitong performance din ang artista na si Marina Abramović. Sa loob ng anim na oras ay maaring gawin ang kahit na ano sa kanya gamit ang mga bagay na nasa harapan  niya. Kabilang dito ang baril na may kargang bala. Sa Moco Museum ko nalaman ang tungkol kay Marina at ang artpiece niyang The Hero. 

     Video ito ng babaeng nakasuot ng itim na damit na nakasakay sa puting kabayo. Hawak ng babae ang puting bandila.

Nang magupit ng lalaki ang kaliwang strap na bra ni Yoko ay lumipat naman ito sa kabila. Alam niya ang gustong mangyari ng lalaki kaya agad niyang tinakpan ng mga kamay ang mga suso. Nang matapos ay tumayo na ang lalaki, at nagpalakpakan ang mga tao.

Bulong ko kay Isla, "Kapag may gumawa sa'yo ng masama o bagay na hindi mo gusto, 'wag na 'wag mong palalagpasin. Mamimihasa ang tao na ang akala ay ayos lang iyon."

     Ayos lang ang magpatawad pero dapat ding tandaan na ang tunay na kapayapaan ay hindi natatamo kung walang naparurusahan.

Bago kami umalis sa exhibit, napadaan muli kami sa lugar kung saan nakasabit ang mga sako. Ang kanina lang na nagmamasid at nakatingin sa mga sining ay siya na ngayong bahagi ng sining.


II.

Matagal bago nasundan si Isla. Anim na taon ang pagitan nila ni Makisig. Iyak niya sa aming mag-asawa na kumonti ang oras namin sa kanya magmula nang ipinanganak ang kapatid niya. Isa siguro ito sa dahilan kaya kung minsan nagiging pasaway siya sa eskuwela. Ngunit, palagi-lagi naming ipinaliliwanag sa kanya na siya bilang ate ay may responsibilidad na palaging maging mabuting halimbawa sa kapatid.

Habang nalaki si Makisig ay nagiging mas ate si Isla. Alam niyang mas kailangan ni Makisig ng atensiyon kesa sa kanya. Kakaiba kasi si Makisig. Siya ata ang nagmana ng ‘kin ng kakulitan. Para siyang trumpong kangkarot. Bukod sa kakulitan ay palagi ring naiyak. Parang hindi nauubusan ng iyak. Nakakarindi rin talaga kung bawat araw ay sigaw at iyak ang palagi mong naririnig sa kanya.

Sabi ni mama, “Sus, ganyan na ganyan ka din naman, kanino pa magmana ‘yan kundi sa’yo.”

Grade 6 ako noon, kabilang ako sa star section. Limot ko na ang pangalan ng aking babaeng Titser at kanyang itsura, pero nakatatak pa rin sa akin ang mga sinabi niya.  Nakatingin ako sa mukha ni Mama nang sabihin ng kausap niya na baka kailangan ako ilipat ng paaralan. May alam daw silang eskuwelahan na baka puwede ako roon, at may mga doktor na puwede naming lapitan. Tuwing napagkukuwentuhan namin pamilya sa hapagkainan, “Loko-loko yung Titser na ‘yun balak pa ‘ko ilipat sa special school, akala ata may ADHD ako,” tinatawanan lang namin pamilya.

     Sagot naman ni Mama, “Hindi ka raw kasi nakikinig, puro ka laro, takbo ka nang takbo, at lumalabas ka ng classroom at napasok sa ibang classroom.”

     Dugtong ni Arlene, “Baka mayroon ka naman talaga hindi mo lang alam kasi hindi ka-diagnose.”

     Isang araw at tinawagan ako ng Tagesmutter ni Makisig. Pinasusundo dahil walang tigil sa pag-iyak.

      Usap namin ng aking asawa, "Tuwing umiiyak na lang palaging pinasusundo? Eh bata 'yan natural iiyak. At dapat alam nila kung ano ang gagawin dahil trabaho nila."

"Hindi marunong mag-alaga ang Tagesmutter."

"Hindi marunong mag-alaga o ayaw alagaan? Kapag anak 'yan ng Deutsch hindi nila puwedeng gawin 'yan baka sila pa ang pagalitan."

     Nang araw na yun ay nakaimpake na ang mga gamit ng anak ko. Paliwanag sa ‘min na sobrang stress daw ni Makisig at ayaw nito makipaglaro sa ibang bata kaya palagi itong naiyak. Iuwi na raw muna namin at subukan maghanap ng ibang Daycare na compatible sa needs niya.    

     Naalala ko muli ang galit ko sa ‘king Titser nang kausapin nito si Mama. Ang mukha ni Mama na pinaliliwanag kung bakit ako dapat mag-stay at hindi dapat ilayo sa iba. Nakasimangot akong kinarga ang aking anak palabas ng Daycare. Pakiramdam ko ay na-discriminate kami dahil isa kaming Ausländer. Biro ko sa 'king anak habang tulak-tulak ang kanyang stroller, "Na-evict ka na sa bahay ni kuya."

    Pinaglaban ako ni Mama na manatili sa eskuwelahan. Sa bagay, saan naman kukuha ng pera ang aking mga magulang pantustos ng special school. Pagkatapos mag-usap ni Mama at ng aking titser ay inilipat ako sa huling section, sa ibang classroom.

     Paano na lang pala kung hindi namin puwede iwan ni Arlene ang aming mga trabaho noong araw na iyon, sino ang magbibigay oras patahanin ang aking anak kung mismo ang dapat na mag-aalaga sa kanya ay walang siyang gana alagaan.

   Ilang buwan din bago kami nakahanap ng bagong Daycare para kay Makisig. Kinakabahan pa kaming mag-asawa na baka paalisin na naman ang aming anak. Sa mga unang buwan ganoon pa rin, walang pinagbago, magulo pa rin siya. Pero na-appreciate ko ang mga nag-aalaga sa kanya dahil mahahaba ang kanilang pisi. Napanatag kami nang sabihin nila na gagawin nila ang kanilang makakaya para alagaan nang mabuti nang may pagmamahal ang aming anak.

    Sa unang taon niya sa Daycare ay binigyan si Makisig ng regalo ng kanyang mga titser. Sinulatan din nila ang bata. Itatago namin ang sulat at ipapabasa kay Makisig ‘pag laki niya.


III.

     Sabay kong natutunan umawit at bumasa dahil sa aking Mama. Sa maliit na bahay namin sa Dalahican, Cavite ay nakadikit sa pader at kabinet na kahoy ang mga alpabeto. Ituturo ni Mama ang A, sasagot ako ng A-aso. Sa pader naman nakadikit ang isa pang papel, ituturo din niya ang kaparehas na letra, sasagot ako ng A-apple. Ang “B” naman ay ba-ba-basa o “B” bi-bi-big. Pagkatapos ay sabay kaming kakanta.

    Kaya kinder pa lang, alam ko na ang pagkakaiba ng awit Alpabeto sa Ingles at Filipino. Sa Filipino may Ng at Ñ, sa Ingles wala. Kakanta kami isang beses sa Ingles at isang beses sa Filipino. Sa eskuwela, nakakapanibago dahil iba ang tono ng awit ni Titser kesa kay Mama.

    Sa bahay ko rin unang inawit ang Bahay Kubo kahit wala akong ideya kung anong itsura ng kundol at linga. Ang mga lumang libro naman na hinihingi ni Mama sa kapatid niyang Titser ang ginagamit namin para matutong magsulat. Para masagutan ang mga pahina ay binubura ni Mama ang mga nakasulat.

     Pagdudugtong-dugtungin ko ang mga tuldok hanggang makabuo ng letra. Sabi ni Mama na ang A ay parang triangle, ang B naman ay buntis na babae, ang C ay kalahating bilog, at ang D ay busog na lalaki. Sa lahat ng letra, Z ang aking paborito dahil para akong nagdo-drowing.  Ang Z ay Zipper at Zigzag sa Ingles, sa Filipino ay Zipper at Zigzag pa rin? Litong-lito ako noon dahil hindi ko alam kung bakit walang pinag-iba. Mas nalito pa, I-Inay at N-Nanay, bakit parehas lang ang ibig sabihin?

     Isang araw, may dumating na bisita sa aming eskuwela, binigyan kami ng papel. Sa papel nakalista ang mga title ng libro at presyo. Pinakita ko kay Mama, sabi niya, “Huwag na ‘yan nak iba na lang.” Inggit na inggit ako sa aking mga classmate habang tinatawag ang kanilang pangalan para kunin ang in-order nilang libro. Pasilip-silip ako sa hawak na libro ng aking katabi, Alamat ng Ampalaya. Sa isip ko, “Ang ganda-ganda naman, sana pahiramin ako.”

     Noong pauwi kami galing sa opisina ni Papa sa Sangley Point ay huminto kami sa isang tindahan na katabi ng sakayan ng jeepney. Doon, ay may matandang nagtitinda ng komiks. Pumili na raw ako sabi ni Mama. Abot tainga ang aking ngiti habang binabasa sa loob ng jeep ang mga bagong biling komiks. Matanda na ako nang maisip na hindi namin afford ang libro ng Adarna books, presyong komiks lang ang kaya nina Mama at Papa. Ganunpaman, sobrang na-appreciate ko sila.

     Hindi lang komiks ang binili namin ni Mama, nag-uwi rin kami ng songhits. Sa songhits ko nakilala si Baleleng. Kinakanta noon nina Mama at ng kanyang mga kapatid sa Dumaguete. Kaya kahit hindi ko pa naririnig sa radyo ang kanta ay alam ko na ‘tong kantahin.

     Ang Baleleng ay awit ng isang lalaki sa isang babae na malayo sa kanya. Nang marinig ko ang kanta sa telenobela na Sahaya ay tinawagan ko si Mama. Kuwento ni Mama, “Pampatulog ko sa’yo ‘yan, hindi ka matutulog nang hindi ko ‘yan kantahin sa’yo.” Hindi ko alam kung totoo dahil hindi ko na maalala. Ang tanging alam ko, na kahit 35 na, ay alam ko pa rin kantahin ang Baleleng, saulo ko pa rin ang lyrics nito.

     Ngayong araw, excited kami. Pagkatapos ng ilang buwan na pag-aayos ng kanilang mga papel ay sa wakas ay makakarating na rin sila ng Germany. Makikita na namin muli sina Mama at Papa. Ito ang unang beses nilang bumiyahe sa ibang bansa. Makikita na rin nila ang kanilang apo. Unang lumabas ng airport si Mama kasunod naman si Papa. Agad na naglakad nang mabilis si Mama papunta sa aming kinatatayuan, at sinalubungan ng yakap at halik sa unang pagkakataon ang kanyang apo. Bulong ko, "Oh, Ma, may bago ka na namang tuturuan."


IV.

     Ang nanay at ang anak, gawa ni Marianne Kiesselbach. Madadaanan pagpasok sa hospital kung saan pinanganak ni Arlene ang aming bunso.

     Ang sabi ko sa kanya ay tawagan niya ako kung hindi na niya kaya ang hilab ng kanyang tiyan. Puwede naman ako magpaalam sa trabaho na kailangan ko umuwi para dalhin siya sa hospital. Kaya pa naman daw niya, at nasa eskuwelahan naman ang mga bata. Hindi naman daw ito ang una niyang panganganak.

     Mayamaya lang ay nakatanggap ako ng mensahe mula sa kanya na huwag na muna raw ako dumiretso ng bahay pagkatapos ng aking trabaho dahil nasa hospital na siya. Nagulat ako. Dumiretso ka ng hospital? Nadatnan ko siyang nakaupo sa waiting area. Sobrang sakit na daw, at sana huwag siyang pahirapan ng bata sa panganganak. Minasahe-masahe ko ang kanyang likurang balakang. Kanina pa siya naiinip kakahintay ng kanyang kuwarto.

Tanong ko, “Pa’no mo nagawa?”

     Nang pakiramdam niya na parang manganganak na siya ay nilaksan niya ang loob sumakay ng tren papuntang hospital. Ayaw na niya kasi akong disturbuhin.  Alam din niyang marami akong trabaho sa opisina. Sabi nga niya na pinagtitinginan siya ng mga tao sa loob ng tren dahil kahit magpanggap na hindi nasasaktan ay hindi maitanggi ng kanyang mukha. Mas pinili niyang tumayo kahit may bakanteng upuan. Nakakapit siyang mahigpit sa ulonang bakal ng upuan. Malalim ang paghinga.

     “Pawala-wala naman ang hilab, kanina ang sakit-sakit, ngayon wala na naman.”

     Iiwan ko siya sa hospital dahil kailangan kong sunduin ang mga bata sa eskuwelahan. Mag-order na lang ako ng pagkain dahil ayaw naman ng mga bata ang luto ko. Pinigilan niya ako dahil nagluto na siya ng adobo bago umalis.

     “Mangangak ka na nakapagluto ka pa?”

     “Ganun talaga.  Huwag kang mag-aalala pakiramdam ko saglit lang ito.”

     Tanong nang tanong ang mga bata kung nasaan ang nanay nila. Pinaliwanag ko na darating na ang kanilang bagong kapatid. Pagkatapos maghapunan ay tinawagan ko si Arlene para kamustahin. Kanina pa raw siya nakakuha ng kuwarto. Nakahiga lang siya at nagpapahinga. Kinakabahan siya dahil naririnig niya ang sigaw ng babae sa kabilang kuwarto.

     Pagkatapos kong patulugin ang mga bata ay agad akong tumawag kay Arlene para kamustahin siya sa hospital. Panay ring lang ang kanyang cellphone. Hindi siya nasagot. Kinakabahan ako na baka nanganganak na siya at wala ako sa tabi niya. Parang gusto kong lumipad at puntahan siya sa hospital kaso hindi ko naman maiwanan ang mga bata. Ito ang isa sa mga pagsubok ng isang pamilyang na nasa ibang bansa na malayo sa kanilang mga magulang. Nangulila ako bigla kanila Mama at Papa.  Magaan kasi ang buhay kapag kasama mo ang iyong magulang. May nag-aasikaso sa mga bata kapag nasa trabaho. Pagkagising mo may almusal at kape na sa lamesa. Pag-uwi mo ng bahay galing trabaho nakahanda na ang tanghalian o hapunan. Kampante kami palagi dahil alam mong may nag-aalaga sa mga bata habang nasa trabaho. Nang bumalik sila sa Cavite ay saglit na lumungkot ang bahay. Ang mga bata ay hinahanap sina Mama at Papa. Kaya sa ganitong pagkakataon na hirap hatiin ang katawan ay naiisip ko sila. Ang dagdag kong goal sa buhay ay ang muling makasama sila hanggang sa kanilang pagtanda.

    Hindi ako makatulog. Hindi pa rin nasagot si Arlene. Sulyap ako nang sulyap sa aking cellphone. Hindi kaya na-lowbatt? Bakit kaya hindi siya nasagot? Kung anu-ano na ang napasok sa isip ko. Biglang nag-ring ang aking phone. Si Arlene natawag. Sinagot ko. Naiyak siya. Tanong ko, “Bakit ka naiyak? Anong nangyari”. Kinakabahan ako, ‘wag naman sana uli.

     Naiyak daw siya dahil hindi siya pinahirapan ng bata. Ang bilis lang daw lumabas. Inurong niya ang camera ng kanyang cellphone. Nakita ko ang sanggol na may matabang pisngi, parang siopai. Ang kapal din ng buhok.

Naluha ako habang tinatanong,

     “Babae o lalaki?”

     “Babae.”

     Tatlong araw lang pagkatapos ni Arlene manganak ay nailabas na namin si Adhika ng hospital. Para lang namin tinakas ang bata sa hospital. Pagkatapos i-check ng doctor at turukan ng mga vaccines ay pinayagan na kaming lumabas. Sabi ko, "Ano tara na?" Nilagay ko si Adhika sa stroller at itinulak palabas ng hospital.

     Niyakap ko si Arlene at hinalikan, “Okay ka lang? Ang galing mo, nakaya mo mag-isa.”.

“Ang galing mo rin, naalagaan mo mga anak mo.”

“Hindi, magaling tayong dalawa kasi kaya natin.”

     Madadaanan namin palabas ng hospital ang estatwang gawa ni Kiesselbach. Tumigil kami saglit para pagmasdan ito.


Ang sanaysay na ito ay lahok sa Saranggola Awards 2025.


Sina Isla, Adhika at Makisig.

Next
Next

They Matter to Me, Family Album Project