2025 MAM Awards Best Book Non-fiction

     Nang mapagdesiyunan naming mag-asawa na iwan ang bansa para magtrabaho ay hinanda ko na ang sarili na talikuran ang pagsusulat. Sabi ko na baka hindi talaga sa akin ang pagsusulat. Pero hindi talaga mapigilan. Kung ano talaga ang nasa puso ay kailangang ilabas. Nagsimula bilang tala-arawan o diary ang Ausländer. Sinusulat ko ang mga danas ko araw-araw bilang Filipino na bagong tapak sa Alemanya. Hanggang dumating ang pandemya at ang simpleng diary ay naging daan para labanan ang malalalim na kalungkutan.

    Habang binubuo ko ang Ausländer ay nakikita kong hindi na lang pala ito tungkol sa pandemya kundi isang munting ambag sa malaki at mahabang naratibo ng kasaysayan nating mga Filipino sa pangingibang bansa.

   Kulang pa nga kung tutuusin ang mga naisulat tungkol sa karanasang diaspora. Mas maganda kung marami tayong magsusulat-magkukuwento ng sarili nating mga danas. Sa ganitong paraan ay may mababalikan ang mga susunod na makabagong henerasyon upang mas lalo nilang maintindihan at mabigyan ng mukha at kulay ang Filipinong nangingibang bayan.

     Noong bata pa ako ay palagi akong napapagalitan ng aking mga guro dahil sa kakulitan. Kung saan-saan daw ako napasok na mga klasrum. May isang beses ding hinulaan ako ng isang guro nang makita ang mga linya sa aking palad. Kung saan-saan daw ako mapapadpad at makakarating. Nagamit ko sa aking pagsusulat ang aking kakulitan. Kung saan-saan ako napadpad dahil sa pagsusulat. At ang mga karanasang ito ang ginagamit ko sa aking pagkukuwento.

    Maraming salamat at napili niyo ang aking libro. Salamat sa Comission on Filipino Overseas, sa mga hurado ng Migration Advocacy and Media Awards, salamat kay Sir Dante Ang, salamat sa aking pamilya na nandidito ngayong gabi, salamat sa aking asawa at mga anak, at maraming salamat sa Diyos na nagbigay sa akin ng talento na makapagkuwento. Magandang gabi po sa inyo lahat.

December 11, 2025, Düsseldorf

back